RewriteCOP:

Responses to On the hills of East of France

RewriteCOP > What is the state of play on key COP28 issues? > Isa sana akong Rosas by Joshua Talla Tabas

Isa sana akong Rosas

by Joshua Talla Tabas

Halika, pagmasdan mo ang mga talulot kong unti-unting nalalanta
Hawakan mo ako, halika. Damhin mo ang di-matingkaling sakit
na nanunuot sa mura kong mga dahon, halika‘t huwag matakot sa akin
hindi ka naman natakot di’ba noong walang awa mo akong hamakin at walang
pakundangang sirain ang mga berde kong dahon. Ang mga sanga kong dati‘y malalago
ngayon ay nangangayayat na‘t unti-unti nang rumurupok, ikaw ang dahilan kung bakit
ako nagkaganito. Sinipsip mo ang buo kong lakas ngayo‘y hirapin nang makaalpas.
Ako sana‘y isang rosas na kulay mabaya, ang mga dahon ko sana‘y lalago pa
nang sobra, at ang mga tangkay ko namang punong-puno ng pag-asa‘y
natuldukan na, dahil hinamak mo ako, dahil pinutol mo ang tangkay
ng pag-asa, ang mga pangarap ko‘y natapos na‘t hindi na muling
maibabalik pa. Sayang at hindi man lamang ako naipunlang
muli, dahil kahit ang mga ugat ko‘y iyong tinanggalan ng
karapatang mabuhay. Kaya‘t halika, titigan mo ako,
huwag kang matatakot dahil ikaw ang may gawa nito, halika.
Hipuin mo ang naaagnas kong katawan, ikaw, Oo ikaw ang may gawa nito.

This poem is a response to RewriteCOP’s call for creative responses to Nicolas Hercelin’s On the hills East of France.

Read more creative responses here.

RewriteCOP > What is the state of play on key COP28 issues? > Isa sana akong Rosas by Joshua Talla Tabas